Matthew 26:1-29

Ang Planong Pagpatay kay Jesus

(Mar. 14:1-2; Luc. 22:1-2; Juan 11:45-53)

1Pagkatapos ipangaral ni Jesus ang lahat ng ito, sinabi niya sa mga tagasunod niya, 2“Alam nʼyo na dalawang araw na lang at sasapit na ang Pista ng Paglampas ng Anghel,
Pista ng Paglampas ng Anghel: Tingnan sa Exo. 12:1-30 kung paano nagsimula ang pistang ito.
at ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa mga taong kumokontra sa akin upang ipako sa krus.”
3Nang mga oras na iyon, ang mga namamahalang pari at ang mga pinuno ng mga Judio ay nagpupulong sa palasyo ni Caifas na punong pari. 4Pinagplanuhan nila kung paano dadakpin si Jesus nang hindi nalalaman ng mga tao, at pagkatapos ay ipapapatay. 5Sinabi nila, “Huwag nating gawin sa pista dahil baka magkagulo ang mga tao.”

Binuhusan ng Pabango si Jesus

(Mar. 14:3-9; Juan 12:1-8)

6Nang si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na dating may malubhang sakit sa balat, 7lumapit sa kanya ang isang babae. May dala itong mamahaling pabango sa isang sisidlang yari sa batong alabastro. At habang kumakain si Jesus, ibinuhos ng babae ang pabango sa ulo ni Jesus. 8Nagalit ang mga tagasunod ni Jesus nang makita ito. Sinabi nila, “Bakit niya sinasayang ang pabangong iyan? 9Maipagbibili sana iyan sa malaking halaga, at maibibigay ang pera sa mga mahihirap.” 10Alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginugulo ang babae? Mabuti ang ginawa niyang ito sa akin. 11Ang mga mahihirap ay lagi ninyong makakasama, pero ako ay hindi. 12Binuhusan niya ako ng pabango para ihanda ang aking katawan sa libing. 13Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kahit saan man ipapangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, ipapahayag din ang ginawa niyang ito sa akin bilang pag-alaala sa kanya.”

Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus

(Mar. 14:10-11; Luc. 22:3-6)

14Si Judas Iscariote na isa sa 12 tagasunod ay pumunta sa mga namamahalang pari. 15Sinabi niya sa kanila, “Ano po ang ibabayad ninyo sa akin kung tutulungan ko kayong madakip si Jesus?” Noon din ay binigyan nila si Judas ng 30 pirasong pilak. 16Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang traydurin si Jesus.

Sinabi ni Jesus na Tatraydurin Siya

(Mar. 14:12-22; Luc. 22:7-14, 21-23; Juan 13:21-30)

17Nang dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga tagasunod ni Jesus at nagtanong, “Saan nʼyo po gustong maghanda kami ng hapunan para sa Pista ng Paglampas ng Anghel?” 18Sumagot si Jesus, “Pumunta kayo sa lungsod ng Jerusalem, doon sa taong binanggit ko sa inyo, at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ipinapasabi ng Guro na malapit na ang kanyang oras, at gusto niyang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa iyong bahay, kasama ang mga tagasunod niya.’ ” 19Sinunod nila ang utos ni Jesus, at inihanda nila roon ang hapunan para sa pista.

20Kinagabihan, naghapunan si Jesus at ang 12 tagasunod. 21Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang isa sa inyo ay magtatraydor sa akin.” 22Nalungkot sila nang marinig iyon, at isa-isa silang nagtanong sa kanya, “Panginoon, hindi po ako iyon, di po ba?” 23Sumagot siya, “Ang kasabay kong sumawsaw ng tinapay sa mangkok ang siyang magtatraydor sa akin. 24Ako na Anak ng Tao ay papatayin ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ngunit nakakaawa ang taong magtatraydor sa akin! Mabuti pang hindi na siya ipinanganak.” 25Nagtanong din si Judas na siyang magtatraydor sa kanya, “Guro, ako po ba iyon?” Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsabi.”

Huling Hapunan ni Jesus

(Mar. 14:22-26; Luc. 22:14-20; 1 Cor. 11:23-25)

26Habang kumakain sila, kumuha si Jesus ng tinapay. Nagpasalamat siya sa Dios at pagkatapos ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa mga tagasunod niya. Sinabi niya, “Kunin ninyo at kainin; ito ang aking katawan.” 27Pagkatapos, kumuha siya ng inumin,
inumin: sa literal, baso o, kopa.
nagpasalamat sa Dios, at ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Uminom kayong lahat nito,
28dahil ito ang aking dugo na ibubuhos para sa kapatawaran ng kasalanan ng maraming tao. Katibayan ito ng bagong
Hindi makikita ang salitang “bago” sa ibang tekstong Griego.
kasunduan ng Dios sa mga tao.
29Sinasabi ko sa inyo na hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw ng paghahari ng aking Ama. At sa araw na iyon, iinom ako ng bagong klase ng inumin kasama ninyo sa kaharian ng aking Ama.”
Copyright information for TglASD